Tag Archives: filipino

Sendong

Yapos ko ang siyang tumuldok
Sa kwentong luha ang punla
Sinadya ang katimogang sulok
Sa hudyat ng pananalasa

Hindi mabilang na patak
… ng luhang mula sinapupunan
… ng dugong naghatid sa libingan
… ng buhay na naging kabayaran

Bugso ng hangin at damdamin
Tubig na kumot sa pag-idlip
Ulang kumitl sa bawat pangarapin
Bahang lumunod sa bawat panaginip

Alam kong aking idinulot
… nabaling bagwis ng mga anghel
… di maibsang sakit at kirot
… puso at kinabukasang durog

Sa puting telang bumalot sa lupa
Pulang mantsa ay naipinta
Putik ang yumakap sa kanila
Mga taong pantay na ang paa

Lilisan at mamamaalam ako
Nahugasan ang ibabaw na mundo
Pasakit at pagkitil ng buhay
Dahilan ng paghahawak-kamay

Bahaghari’t araw matatanaw pa
Sa Maylikha tanging tumingala
Ulitin pa hindi ang kasalanan
Pagtibag niyo sa alay Niyang tahanan

 

 

Advertisements
Tagged , ,

Patak

(Nang hapong iniwan mo ako sa gitna ng ulan…)

 

Nilabong muli ng mumunting butil ng tubig

ang matagal nang malabong paningin

Katulad nang dinulot ng pag-ibig

na bumulag sa damdamin

 

PinigilĀ  ang pagtulo ng luha

Habang patuloy pang nilalakbay

ang daang pinangarap lakbayin

Nang may kahawak ang kamay

 

Ngunit di kayang ikubli ng ulan

Dinaramang kalungkutan

Tulad nang nalantang dahon,

ang puno’y binitawan

 

Kailangan ko’y hindi payong

Upang ako’y may masilungan

Hiling ko sana’y mapunan

Ang puwang na sa puso’y naiwan

 

Patuloy pang pumatak ang ulan

Damdami’y patuloy pa ring nasasaktan

Kung kaya lang sanang burahin ng ulan

Pag-ibig na sa iyo’y nakalaan

 

Sana sa susunod na umiyak ang langit,

ay sumikat na ang araw sa dibdib

Sana’y di na madama ang sakit

Nang pag-ibig na di kayang maipabatid.

 

*piraso ng katotohanan,

dulot ng patak ng ulan.

Tagged , ,
Advertisements